sa pag-ihip ng hangin.
Posted in Uncategorized on March 28, 2008 by deejayIs it I, Lord?
Taliwas sa aking pag-uugali ang nais kong tahaking landas. Alam ng lahat yan. Isa akong makulit na bata. Maingay. Sinungaling. Makasalanan. Lahat ng kabaligtaran ng daan na nais ko, nasa akin nga siguro. Pero sa ilalim nito, nagtatago ang isang liwanag. Liwanag na siyang patuloy kong sinusundan, sinusunod at iginagalang.
Gusto kong maging pari. Alam ng lahat yan. Maliit pa lamang ako, pangarap ko na iyon. Nariyang isuot ko ang kumot at magkilos pari. Hindi ako nakuntento doon. Nariyan ang panahon na sa sobrang pagnanais ko na maging pari, hinanap ko sa internet ang lahat ng tungkol dito. Pumasok din ako sa samahang Altar Servers para mas makita ko ng malapitan kung ano nga ba ng ginagawa nila. Sobra akong tinangay ng aking pagnanais na kunin ang bokasyong tingin ng iba ay di bagay sa akin.
Dumadating rin minsan ang mga panahon na sa sobrang pagkatangay ko sa bokasyong ito, nawawala sa aking isipan ang tunay na kahulugan ng pagpapari. Dumadating ang oras na hindi ko man lang Siya iniisip. Natatangay ako ng panlabas na anyo ng pagpapari. Nawawala minsan ang tunay na kahulugan.
May mga panahon din na naguguluhan ako kung saang Order ako bibilang. Nariyang kausapin ko ang mga paring Agustino dito sa lumang simbahan. May pagkakataon na ding nakausap ko ang isang paring misyonero at isang Pransiskano nung ako ay nasa Japan. May nakausap na din akong paring Heswita. Marami ring paring Diyosesano o Diocesan na akong nakausap. Naguguluhan ako noon.
Marahil sa paglipas ng panahon, natututo tayo. Sa aking palagay, sigurado na ako sa aking tatahaking landas. Itutuloy ko na ito. Wala nang atrasan. Maraming tao ang umaasa sa akin. Maraming naghihintay. Nawa’y hindi ko sila mabigo.



