This is a paper written for my Hi165 class, Rizal and the Emergence of the Filipino Nation.
Analogia. Ang salitang ito ay mula sa dalawang salitang Griyego “ana” at “logos,” “ayon” at “salita” o minsan, “paksa.” Sa literal na pagsasalin, “ayon sa paksa.” Mayroon akong paboritong aksiyoma sa pilosopiya tungkol sa analogia. Ayon kay Padre Roque Ferriols, SJ, ang analogia ay “magkatulad sa kanilang pagkakaiba, magkaiba sa kanilang pagkakatulad.”
Ang buhay ko at ang buhay ni Rizal: dalawang magkaibang buhay, ngunit maituturing na isang analogia. Parehong buhay (life), ngunit hindi parehong pagsasabuhay (living). Hindi parehong pagmemeron[1] (being) pero parehong buhay (alive).
Ngunit ang pakay ko ay hindi upang bigyan ng pilosopikal na pag-unawa ang buhay ni Rizal. Ang pakay ko ay upang ihambing at itulad ang aking buhay at ang buhay niya. Isang napakabigat na gawain ngunit sa huli ay makatutulong upang magkaroon ng personal na pagpapakita si Rizal sa akin. Wika nga ni Gabriel Marcel, isang pagpapakita na wari’y hindi inihahandog sa ibang tao.
Ang Kamusmusan[2] ni DJ at ni Pepe:
Isang batang maliit at hindi-gaanong kaputian, sa madaling sabi – maiitim, ang ipinanganak noong Disyembre 17, 1990, katulad ng isang batang maliit at malaki ang ulo na ipinanganak noong Hunyo 19, 1861. Parehong ipinangak na may kapintasan ngunit parehong nagbigay ng kasiyahan sa magulang. Pareho silang bininyagan ilang araw matapos silang ipinanganak.
Panganay ako at mag-isa pa lamang noon, kaya naman lahat siguro ng atensyon noon ay nasa akin. Sa isip ko, marahil hindi ito naranasan ni Rizal. Subalit sa mga nabasa ko tungkol sa kanya, mukhang nagkakamali ako. Si Rizal ang bunsong lalaki kaya nasa kanya rin ang pansin ng kanyang mga kapatid na babae.
Pareho kaming hindi pala-labas ng bahay, parehong hindi pinapayagang lumabas, pero hindi pareho ang dahilan. Kung siya ay dahil sa mahina siya at sakitin, ako naman ay dahil ayaw akong manghina at masaktan. Sa palagay ko, buti pa si Rizal, may katuwiran ang rason kung bakit siya hindi pinalalabas. Ngunit dahil bata, at palibhasa’y walang kapangyarihan, wala na tayong magagawa kundi sumunod na lamang.
Ngunit hindi naman ako katulad ng isnag preso na nakakulong lamang sa bahay. Mayroon akong isang paboritong puntahan, ang simbahan. Katulad ng pamilya ni Rizal na paglabas sa bakuran ay simbahan na, ang kinalakihan kong bahay ay malapit rin sa simbahan, tipong pagdungaw mo sa labas ng tarangkahan, simbahan na. Isang malaking aspeto sa aking buhay ang simbahan na ito dahil maka-aapekto ito sa aking paglaki. Ngunit, katulad ng mga analogia, hindi pa rin kami magkatulad na magkatulad ni Pepe, dahil siya, kinakausap niya ang kura paroko, ako, hindi. Ngunit pareho kaming masaya sa pagmamasid sa mga tao at sa kanilang ginagawa.
Dahil dito, pareho kaming libro ang inatupag. Sa paligid ko ay puro libro. Pero hindi pa rin tuald na tulad. Si Rizal, nagbasa siya nang hanggang kaya niya, ako, hindi gaanong nagbasa. Marahil dahil na rin sa pagkakaiba ng teknolohiya noon at ngayon. Mayroon na tayong telebisyon at family computer, sila wala. Isa ito sa napag-iisipan ko sa tuwing napag-aaralan si Rizal: Kung siya kaya ay nakaranas ng telebisyon, hindi siguro siya magiging palabasa. At ako naman, kung wala sigurong telebisyon, magiging palabasa ako. Sa kabila nang lahat ng ito, masasabi kong halos magkapareho kami ng kamusmusan ni Rizal, maliban sa isang bagay.
Bata pa ako nang umalis ang magulang ko upang maghanap-buhay sa ibang bansa. Sa madaling sabi, lumaki ako sa piling ng lola ko. Kaya naman sunod sa aking magulang, mahal na mahal ko ang lola ko. Ito marahil ang lamang ko kay Rizal. Wala akong nabasa tungkol sa relasyon niya sa kanyang lola.
Ang Ateneo ng Aking Buhay[3]
Unang nag-aral si Rizal sa isang paaralang malapit sa kanila. Parang ako. Noong ako ay nasa elementarya pa lamang, nag-aral ako sa tinatawag naming “baba.” Bakit “baba”? Dahil ang aming lugar ay isang burol, ang aming bahay ay nasa taas, ang paaralan ay nasa paanan. Tulad ni Rizal, isa akong estudyanteng sobresaliente. Hindi sa pagmamayabang, nagtapos ako ng elementarya na valedictorian. Hindi ko alam kung pareho kami ni Rizal.
Sa kanyang mga talaarawan, nabanggit ni Rizal na ang kanyang buhay sa Ateneo ang isa sa mga pinakamasayang bahagi ng kanyang buhay. Ang maituturing kong Ateneo ko ay ang aking mataas na paaralan, ang Makati Science High School. Sa bahaging ito ng aking buhay ako natuto nang hindi lamang kaalaman na tungkol sa mga aralin, dito rin ako natuto ng mga kaalaman na karanasan lamang ang kayang magturo.
Ang pakiramdam ko nang ako ay pumasok sa mataas na paaralan ay isang nakatutuwang bagay. Masasabi ko na nang magtapos ako sa elementarya, isa akong balyena. Pero nang pumasok ako sa high school, isa na lamang akong dilis. Dilis dahil may mas malalaki nang balyena kaysa sa akin, mas matalino, mas maalam.
Sa bahaging ito rin ng aking buhay ako nagkaroon ng barkada, at pag-ibig. Si April, ang unang tumanggi sa akin. Si Cielo, ang kanyang kaibigan, ang una kong kasintahan. Ngunit higit pa rito, sa panahong ito, katulad ni Rizal, namulat ako sa mga bagay na masasabing mas malalim, mas makahulugan.
Sa panahon ito sa buhay ni Rizal, ayon kay Austin Coates, ay namulat siya sa mga nangyayari sa kanyang lipunan. Nagkaroon rin ako ng pagmumulat sa bahaging ito ng aking buhay, hindi nga lamang tungkol sa lipunan. Tungkol sa akin. Sa panahong ito ako namulat sa gusto kong gawin sa hinaharap. Gusto kong maging isang pari. Maaaring kutyain ako ni Rizal kung nalaman niya ito ngunit ito talaga ang nais kong maging.
Pag-alis, Pagbalik[4]
Sa isang hindi maipaliwanag na paraan, nakatanggap ako, o mas mabuting sabihin, natanggap ako sa isang taon nang pag-aaral sa Japan. Isa itong exchange student program kung saan, makapag-aaral ako sa isang high school sa Japan. Ang kaibahan, tapos na ako nang high school. Nasa pagitan ako ng mataas na paaralan at kolehiyo.
Si Rizal, mas mala-teleserye ang konteksto ng kanyang pag-alis sa bansa. Ako, maituturing na pagsasayang ng panahon. Ano ba ang makukuha ko sa isang taon na ito? Hindi naman makikita sa transcript ko ang mga makukuha kong marka. Isa lamang pagsasayang ng oras. Walang kuwenta, kung gagamitin ang salitang balbal.
Sa aking palagay, at sinusuportahan ito ng mga nabasa ko tungkol kay Rizal, hindi naman talaga niya ginusto na pumunta sa ibang bansa. Si Kuya Paciano ang may gusto. Sa aking karanasan naman, si mama ang may gusto. Ngunit dahil pareho kaming mas bata ni Rizal, wala kaming magagawa kundi sumunod.
Hindi ako sigurado sa mga pakiramdam ni Rizal sa kanyang paglalakbay sa Europa, pero mayroon siyang isang partikular na pangingibang-bansa na sigurado akong magkakasundo kami – ang kanyang paglalakbay sa bansang Hapon. Sinulat ni Rizal sa kanyang talaarawan, “I Like Japan….Most beautiful scenery, the flowers, the trees, the peaceful inhabitants, so courteous, so willing to please.”[5] Itong ito rin ang nasabi ko sa isang sulat ko sa aking matalik na kaibigan.
Ito ang bahagi ng buhay na Rizal na nagpapatibay sa aming pagbubuklod. Ang karanasan niya sa bansang Hapon, at ang aking karanasan, ay masasabing isang pagkakapareho na hindi maaaring tanggalin sa aming alaala. Sayang nga lamang para kay Rizal, halos anim na linggo lamang siya roon.
Ang bahaging ito ng aking buhay ang nasasabi kong nagpatibay sa aking pagmumulat sa aking sariling “karanasan sa Ateneo.” Dito ko nalaman na ito talaga ang landas na gusto kong tahakinl. Katulad ni Rizal, na naging sigurado sa landas na tinahak niya noong siya ay nasa Europa.
Bagumbayan ni Pepe, Bagumbuhay ni DJ
Natapos ang mala-epikong buhay ni Rizal sa Bagumbayan. Masasabi ko ring natapos ang dati kong buhay sa aking pagpasok sa Seminaryo ng San Jose. Nakakatuwang isipin, hindi lamang pala ang karanasan namin sa bansang Hapon ang magbubuklod sa amin. Ako, bilang isang seminarista ay hinuhubog ng mga Heswita. Si Rizal ay hinubog ng mga Heswita. Ang tatay niya at si Kuya Paciano ay nag-aral sa Colegio de San Jose, ang mismong seminaryo na tinutuluyan ko ngayon.
Pagkamatay ni Rizal sa Baguumbayan, nagising niya sa maraming tao ang isang damdamin ng pagnanais sa isang bansa, nasyonalismo. Ang pagkamatay naman ng lumang ako, at ang aking Bagumbuhay, ay inaasahan kong gigising sa isang pagnanais rin sa isang bayan, ang Bayan ng Diyos, kung saan matatagpuan ang tunay na kalayaan, ang kalayaan na binayaran ni Rizal ng kanyang buhay.
Paglalagom
Sa aking pagtatangkang gumawa ng analogia ng aming buhay, mananatiling hindi maging sukat (fit) ang aming mga karanasan. Ngunit katulad nga ng aking sinabi, ang analogia ay “magkatulad sa kanilang pagkakaiba, magkaiba sa kanilang pagkakatulad.” Masaya ako na kahit papaano, ang aming pagkakatulad-pagkakaiba ay nakapagbibigay sa akin ng isang “pagpapakita, na wari’y hindi inihahandog sa ibang tao.”
[1] Ang pagmemeron o meron, ay salitang ginagamit sa Filipino upang ipahiwatig (sa pinakapayak na paraan) ang pag-iral, existence o being sa Ingles. Sinimulan ito ni P. Roque Ferriols, SJ ng Pamantasang Ateneo de Manila.
[2] Tatalakayin sa bahaging ito ang una hanggang ika-pitong taong gulang.
[3] Tatalakayin sa bahaging ito ang ika-walo hanggang ika-labing anim na taong gulang.
[4] Tatalakayin sa bahaging ito ang ika-labing pito hanggang sa kasalukuyan.
[5] Austin Coates, Rizal:Philippine Nationalist and Martyr (no publication data available), 152.