This is a letter I made for my sister, Jan, who will have her recollection/retreat next week. Paiiyakin lang sila ng mga madre.
Dearest Jan,
Nagsisimula ka nang magdalaga. Siguro alam mo na ito, siguro hindi. Ako halos ang nag-alaga sa iyo noong maliit ka pa. Malayo ang agwat ng edad natin at walang araw na hindi kita pinagalitan. Kaya naman siguro parang magulang na ang tingin mo sa akin.
Sa kabila nito, isa ka sa pinakamahalagang babae sa buhay ko. Sunod kay Mama, ikaw ang isa sa mga babaeng mahal ko. Ikaw lang ang nag-iisang babae na kapatid ko. Dahil dyan, gusto ko lang kung ano ang pinakamabuti para sa iyo.
Sa mga panahon na pinapagalitan kita, sa mga panahon na tinataasan kita ng boses, sa panahon na pinagbubuhatan kita ng kamay: tandaan mo na ginagawa ko iyon, dahil gusto kong matandaan mo ang mga bagay na dapat mong iwasan. Gusto ko lang ng kung ano ang makakabubuti sa’yo.
Pagpasensyahan mo na si Kuya kung hindi mo maramdaman na kuya mo ako. Siguro hindi ko man matugunan kung ano ang mga hinihingi mo sa akin, sa ngayon, susubukan ko ang makakaya ko na punan ito kapag kaya ko na. Salamat sa pagpaparamdam sa akin na isa akong Kuya. Kayong dalawa ni Aaron.
Palagi kang kasama sa mga dasal ko. Kayong lahat nina Papa, Mama, at Aaron. Sana sinasama niyo rin ako sa mga dasal ninyo.
Magpakabait, mag-aral ng maigi, at maging mabuti. Mahal na mahal kita! 
Nagmamahal,
Kuya DJ